Umakyat na sa 13,387 ang bilang ng mga Pilipino sa ibang bansa na nagpositibo sa COVID-19, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ito ng DFA matapos na maitala ang 40 bagong infections sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Ayon sa DFA, 19 naman ang gumaling na sa sakit, dahilan para umakyat sa 8,864 ang total recoveries, habang nananatili naman sa 945 ang death toll.
Samantala, 4,088 pasyente pa ang patuloy na nagpapagaling sa ngayon.
Base sa datos na inilabas ng DFA, kabuuang 2,765 cases ang naitala sa Asia and Pacific region kung saan 771 dito ay sumasailalim pa sa treatment, 1,973 ang gumaling na at 21 naman ang pumanaw na.
Samantala, sa Middle East o Africa, ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong nagpositibo sa COVID-19 ay 7,881 kung saan 2,521 dito ang nagpapagaling pa, 4,754 ang gumaling na at 606 naman ang binawian ng buhay.
Sa Europe, ang reported cases doon ay 2,437 kung saan 718 pasiyente ang nagpapagaling pa, habang 1,601 naman ang naka-recover at 118 ang tuluyang pumanaw na.
Samantala, sa America, ang total reported cases doon ay 814, kung saan 78 dito ang nagpapagaling pa, 536 ang recovered at 200 ang fatalities.










