Natunton na ng pamahalaan ang apat sa pitong returning overseas Filipinos mula South Africa, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Duque, kasalukuyang naka-quarantine na ang apat na ito.
Sa naturang bilang, dalawa ang pending pa sa kasalukuyang ang resulta ng kanilang RT-PCR test, isa ang naka-home quarantine, at isa naman ang discharged na matapos na magnegatibo sa COVID-19.
Sa ngayon, tiniyak ni Duque na hindi pa nakakapasok sa Pilipinas ang binabantayang Omicron variant, na sinasabing mas nakakahawa kaysa ibang variant ng coronavirus.
Prayoridad pa rin aniya ng pamahalaan sa ginagawang genome sequencing sa ngayon ang mga returning overseas Filipino sa harap ng banta ng Omicron variant.
Pumalag naman ang kalihim sa mga naghihinalang nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng coronavirus, at sinabi na mas mainam na hintayin muna ang resulta ng genome sequencing na kanilang ginagawa para mas evidence-based ang pagkumpirma man dito kung sakali at hindi basta haka-haka lamang.
Nauna nang humingi ng tulong ang DOH sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para mahanap ang walong biyahero mula South Africa na mali ang ibinigay na personal details kaya nahirapan silang mahanap ang lokasyon ngayon ng mga ito.
















