-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Sinet-up umano ang apat na mga pulis na pinatay sa Ayungon, Negros Oriental.

Ito ang pahayag ni Police Brigadier General Debold Sinas, director ng Police Regional Office Region 7 sa karumaldumal na sinapit nina Police Corporal Relebert Beronio, Patrolman Raffy Callo, Patrolman Roel Cabellon at Patrolman Marquino de Leon sa Sitio Yamot, Brgy. Mabato, Ayungon kung saan sila pinatay ng mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) noong Huwebes.

Sa press conference ni Sinas, sinabi nitong parang ambush ang nangyari ngunit wala namang palitan ng putok dahil binantayan lamang ang apat at dinala sa bahay ni Victoriano Anadon at dinis-armahan saka pinagbabaril.

Maalalang si Anadon ang sinasabing contact ng mga pulis sa lugar ngunit napag-alaman na may kapit din ito sa mga rebelde.

Ayon pa kay Sinas, inutusan lamang ng mga rebelde si Anadon na itali ang apat bago nila ito pinaalis sa kanyang bahay.

Summary execution ayon sa PRO-7 director ang ginawa sa apat dahil base sa trajectory ng bala, posibleng nakaupo o nakaluhod ang mga ito ng binaril sa likod.

Ang pinakahuling impormasyon ay kumokontra naman sa naunang report ni Police Major Leo Logronio ng Regional Mobile Battalion Force Region VII, na sakay ang apat ng dalawang motorsiklo ng binantayan at pinagbabaril ng hindi pa matukoy na bilang ng mga rebelde na nagresulta sa kanilang agarang pagkamatay.

Sa ngayon ay kinokonsidera na rin na person of interest si Anadon habang tinitingnan din kung may pananagutan ang punong barangay ng Brgy. Mabato dahil hindi nito sinabi sa mga pulis na pugad ng mga rebelde ang lugar.

Nakikigpagtulungan naman ngayon ang punong barangay sa imbestigasyon ng mga otoridad.