-- Advertisements --

Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang apat na kataong
iligal na na-recruit upang magtrabaho bilang household workers at drivers sa Dubai.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) port operations division chief Grifton Medina, ang apat na babaeng biktima ay pasakay na ng flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia noong sila ay naharang sa departure area ng NAIA Terminal 3.

Dagdag ni Medina, nagduda raw ang mga BI officers sa dahilan ng pagbiyahe ng mga Pinay kayat ini-refer ang mga biktima ito sa secondary inspection.

Doon ay iprinisinta ng mga babaeng nasa edad 30 hanggang 40-anyos ang kanilang company employment IDs sa ilalim ng major construction firm pero ito ay bogus.

Ang nasabing kumpanya raw ang nag-sponsor sa kanila papuntang Malaysia.

“Once they reach Malaysia, they planned to proceed to Dubai where they were recruited to work as household workers and drivers,” ani Medina.

Sinabi naman ni Ma. Bernadette Catipay, BI-NAIA 3 travel control and enforcement unit (TCEU) na lahat ng pasahero ay may hawak na working visas sa United Arab Emirates (UAE).

Sa ngayon hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang apat para sa kaukulang imbestigasyon.