-- Advertisements --

Ibinabala ng Department of Science and Technology na inaasahang makakaranas ng danger level ng heat index ang 4 na lugar sa bansa ngayong araw ng Lunes.

Ayon sa pinakabagong pagtaya ng state weather bureau, maaaring maranasan ang pinakamainit na lagay ng panahon sa mga sumusunod na lugar:

– Aparri, Cagayan – 43°C
– Pili, Camarines Sur – 42°C
– Catarman, Northern Samar: 43°C
– Zamboanga City, Zamboanga del Sur – 42°C

Kaugnay nito, pinag-iingat ang publiko na maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion dala ng mainit na panahon lalo na sa mga lugar na nakapagtala ng 42 degrees hanggang 51 degrees celsius na itinuturing na danger level heat index.

Posible din na makaranas ng heat stroke kapag patuloy na nakabilad sa araw.

Kayat paalala ng ahensiya sa publiko na maging alerto kapag nakaranas ng mga sintomas ng mga sakit may kinalaman sa mainit na panahon gaya ng labis na pagpapawis, pagkahapo, pagkahilo, pagkahimatay, mahina subalit mabilis na pulso, naduduwal at pasintabi po ..pagsuka.

Para naman maiwasan ang mga sakit dala ng mainit na panahon, hinihikayat ang publiko na liitahan ang pananatili sa labas habang tirik ang araw, uminom ng maraming tubig at iwasan ang pag-inom ng tsa-a, kape, soda at alak.

Dapat din na gumamit ng payo, sumbrero at damit na may manggas kapag lalabas ng bahay at maaaring gawin ang mga mabibigat na gawain sa umaga o gabi na kapag mas malamig ang klima.