-- Advertisements --

Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police ang apat na babaeng menor de edad na umano’y biktima ng sexual exploitation matapos ang magkakasunod na operasyon sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City.

Sa isang pahayag, sinabi ni Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) chief Col. Portia Manalad na ang apat na babaeng menor de edad ay na rescue kasunod ng pagkakaaresto sa isang Australian national na suspect umano sa trafficking at online sexual exploitation sa kanilang bansa.

Ayon kay Manalad, matapos maaresto ng Australian Federal Police ang suspect nakuha sa pag-iingat nito ang ilang child sexual abuse at exploitation materials kabilang na ang larawan ng apat na pinay na babaeng menor de edad.

Kaagad aniya silang nagsagawa ng operasyon ng matanggap nila ang impormasyon mula sa Australian Federal Police.

Matapos masagip ay kaagad na dinala ang biktima sa Women and Children Protection Center, sa Camp Crame, Quezon City.

Sinabi pa ni Manalad na magpapatuloy ang kampanya ng kapulisan laban sa human trafficking at exploitation ng mga kababaihan at mga kabataan.