-- Advertisements --

Kinumpirma ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na apat lang mula sa higit 5,000 tricycle drivers ng lungsod na sumailalim sa COVID-19 testing ang nag-positibo sa sakit.

Sa isang statement, nilinaw ng alkalde na ang nasabing apat na nag-positibo ay dumaan sa confirmatory RT-PCR tests, na sinagot ng lokal na pamahalaan.

“Iyong mga nagpositibo, ang napansin namin, sila ay mga naninirahan sa boundary ng Marikina at may interaction sila outside the boundary.”

Ang dalawa raw sa tricycle drivers na nag-positibo ay residente ng Marikina, habang ang dalawang iba pa ay sa mga kalapit na bayan ng lungsod.

Tinatayang 5,465 drivers ng tricycle ang tinest ng Marikina LGU. May 4,321 manggagawa din mula sa shoe industry ng lungsod ang kanilang pinag-test, kung saan isa ang nag-positibo.

Bukod sa kanila, pati mga opisyal at empleyado ng mga barangay ay napasailalim din sa COVID-19 test. Isa sa halos 1,000 tinest daw ang nag-test positive.

Samantalang mula sa halos 2,000 city hall employees na tinest din sa coronavirus ay anim ang nag-positibo, na puro health care workers.

“Mahalaga ang testing. Ito ay isang magaling na strategy na i-employ ng Marikina upang sa ganoon mag-plateau ang bilang ng COVID-19 cases dito sa City of Marikina,” ani Teodoro.

Sa kasalukuyan 182 ang confirmed COVID-19 cases sa Marikina. Kasama na rito ang 21 namatay at 91 gumaling.

Ang mga nag-positibong residente raw ay agad dinadala sa quarantine facilities para sa karampatang medical attention.