Sumuko na sa mga otoridad sa probinsiya ng Sulu ang apat na tinukoy na persons of interests sa Jolo twin bombing noong araw ng Linggo.
Kinumpirma ni 11th Infantry Division (ID) at Joint Task Force (JTF)-Sulu Commander B/Gen. Divino Rey Pabayo na sumuko ang apat para umano linisin ang kanilang mga pangalan na nahagip sa CCTV footage na tinukoy ng militar na mga miyembro raw ng kilabot na Ajang-Ajang group.
Ayon kay Pabayo, dakong alas-10:00 ng umaga nang sumuko sina Alshaber Arbi, 18, isang Grade 11 student, na siyang naka-ponytail sa kuha ng CCTV; at Gerry Isnajil, guro sa Kalingalan Caluang High School.
Sinamahan nina Sulu Gov. Abdusakur Tan II at Mayor Peping Halun ng Kalingalan Caluang ang dalawa, na kinuhanan na rin ng salaysay.
Bandang alas-3:00 naman ng hapon nang boluntaryong sumuko sa Sulu Police Provincial Office sina Alsimar Mahamud ng Brgy. Bus-Bus, Jolo; at si Julius Abdulzam ng Brgy. Takut Takut, sa nasabi ring bayan.
Sa salaysay ng mga ito, bago raw ang malagim na trahedya ay nagtungo ang mga ito sa bilihan ng gamot para sa kanilang inang naka-confine sa Sulu Provincial Hospital.
Matapos daw silang bumili ng gamot ay bigla na lamang silang nakarinig ng nakabibinging pagsabog.
Kaagad umanong lumabas si Julius at nagtungo malapit sa bisinidad kung saan naman naganap ang ikalawang pagsabog.
Tinawagan naman ni Alsimar si Julius na umalis na kung saan nasa likod daw nila ang mga suspeks.
Hindi raw tukoy ng dalawa ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nahagip sa CCTV.
Samantala, sinabi naman ni Western Mindanao Command spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, mananatili muna sa kustodiya ng PNP ang mga ito habang hindi pa sila cleared.