-- Advertisements --

Aprubado na sa House Committee on Justice at Committee on National Defense and Security ang apat na House Concurrent Resolutions para sa “amnesty proclamations” ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Sa isinagawang joint hearing ng dalawang komite, pinagtibay ang HCRs no. 19, 20, 21 at 22 kasama na inaprubahan ang committee report.

Ang mga nasabing HCR ay pagsang-ayon sa amnesty proclamations ni Pang. Marcos Jr. para sa iba’t ibang grupo, kasama ang mga rebeldeng komunista.

Ito ay ang mga sumusunod:

  • Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas-Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade o RPMP-RPA-ABB
  • Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF
  • Moro Islamic Liberation Front o MILF
  • Moro National Liberation Front o MNLF

Batay sa Section 19, Article VII (7) ng 1987 Constitution, binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magkaloob ng amnestiya nang may concurrence ng mayorya ng mga miyembro ng Kongreso.

Nauna nang sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na target na pagtibayin sa plenaryo ng Kamara ang mga nabanggit na HCRs, bago ang Christmas break ng Kongreso.

Nauna rito, pinangunahan ni Speaker Romualdez ang paghahain ng House Concurrent Resolution (HCR) Nos. 19, 20, 21, at 22, na nagpapahayag ng pagsang-ayon sa inilabas na amnesty proclamation ni Pangulong Marcos.