Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na hindi pa tuluyang makakalaya ang apat na Chinese drug lord na sinasabing nakalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) at ngayon ay hawak ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, hanggat hindi pa nababalangkas ang implementing rules and regulations (IRR) ng R.A. 10592 o ang GCTA ay ipag-uutos ng kagawaran na huwag muna silang paalisin sa bansa.
Una rito ay may binuo nang joint DoJ-Department of Interior and Local Government (DILG) Committee na magre-review sa tamang panuntunan sa computation ng credits ng mga person deprived of liberty (PDL) na convicted sa mga karumal-dumal na krimen para mabigyan ng GCTA.
Kahapon, kinumpirma ng BI na nakakulong sa kanilang warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang mga convicted drug lords na sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che at Wu Hing Sum.