BAGUIO CITY – Arestado ang apat na turista mula Ilocos Sur dahil sa pagbiyahe ng mga ito ng mga marijuana na nagkakahalaga ng higit P2.6-million sa bahagi ng Dawaic, Otucan Norte, Bauko, Mountain Province kagabi.
Nakilala ang mga itong sina Christian Allen Vergara Habab, Aljon James Ambasing Bangayan at Mark Jamandre na pawang residente ng Santa Cruz, Ilocos Sur at si John Randolf Torres Cadavez, residente ng Santa Lucia, Ilocos Sur.
Batay sa report, nakatanggap ang PDEA-Mountain Province ng impormasyon ukol sa pagbiyahe ng mga suspek sa mga kontrabando sa pamamagitan ng motorsiklo.
Magmumula umano ang apat sa Kalinga at dadaan sila ng Bessang Pass o Tagudin–Cervantes–Sabangan Road sa Mountain Province pabalik sa Ilocos Sur.
Gayunman, agad nagsagawa ng interdiction checkpoint ang mga operatiba ng PDEA at PNP na nagresulta sa pagkasabat ng dalawang motorsiklo.
Nakumpiska mula sa mga ito ang 18 na piraso ng mga marijuana bricks at 9 na tubular marijuana leaves na may kabuuang bigat na aabot sa 21.7 kilograms at halagang higit P2.6-milion.
Nakumpiska pa ang dalawang motorsiklo na ginamit ng mga suspek sa pagbiahe ng kontrabando.
Sa ngayon, nahaharap na ang apat sa kasong paglabag sa RA 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.