Bumwelta ang isang mambabatas kay Sen. Imee Marcos dahil sa ginawa nitong realignment sa national budget nuong 2023, kung saan nasa 4.3 million Filipinos ang hindi nakatanggap ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ayuda.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Jil Bongalon ang mga ito ay kabilang sa “poorest of the poor” na hindi nakatanggap ng nasa kabuuang P13 billion ayuda dahil ang nasabing pondo ay inilaan sa ibang social amelioration program partikular sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Si Bongalon ay kilalang pangunahing tagapagtaguyod ng 4Ps program na nagbibigay ng tulong pinansiyal sa pinaka mahirap na pamilyang Pilipino na layong tulungan na magkaroon ng magandang kalusugan, may sapat na nutrisyon at edukasyon.
Inihayag ng batang mambabatas na sinimulan niyang alamin ang nasabing budget cuts matapos makatanggap ang kaniyang opisina ng mga reklamo mula sa 4Ps beneficiaries.
Naniniwala si Bongalon na hindi makatarungan ang ginawang budget cuts ni Sen. Imee Marcos lalo na milyong milyong mahihirap na Pilipino sana ang makikinabang.
Inihayag din ni Bongalon na pinayagan ni Sen. Marcos na ibigay ang pondo na sa mga kaalyadong pulitiko gaya ni Vice President Sara Duterte na namahagi ng tulong sa mga piling beneficiaries imbes na ibigay sa mga mahihirap na Pilipino.
Ipinunto din ni Bongalon na napaka ironic ni Sen Marcos na nais nitong paimbestigahan sa Senado ang AKAP na layong bigyan ng ayuda ang mga near-poor beneficiaries na dapat ang senadora ang dapat imbestigahan kung bakit kinaltasan niya ang budget para sa mga 4Ps beneficiaries.
Sa ilalim ng 4Ps bawat pamilya na may tatlong anak ay makakatanggap ng P1,400 kada buwan at nasa kabuuang P15,000 bawat taon sa loob ng limang taon.