Hawak na ng mga otorida sa Estados Unidos ang ikatlong suspek sa pagkamatay ng American rapper na si Mac Miller na pinaniniwalaang 0dahil sa drug overdose.

Ayon kay U.S. Attorney’s spokesman Thom Mrozek, naaresto sa kanyang bahay ang suspek na si Stephen Andrew Walter at agad sinampahan ng kasong may kinalaman sa distribusyon at paghawak ng ipinagbabawal na gamot.

Kamakailan nang maaresto ang unang suspek na si Cameron James Pettit matapos mabatid na binigyan nito ng 10 pills na may “fentanyl” substance si Miller ilang araw bago ito mamatay.

Nadakip din si Ryan Reavis nitong nakaraang linggo at nakuhanan ng marijuana at iba pang drug paraphernalia.

Kung maaalala, wala ng malay nang matagpuan ang 26-year Grammy nominated rapper dahil sa aksidenteng pagkaka-overdose.

Kilala rin si Miller bilang ex-boyfriend ng pop superstar na si Ariana Grande.