CAGAYAN DE ORO CITY – Pinangungunahan mismo ni Police Regional Office 10 regional director Brigadier General Lawrence Coop ang pagpirma ng kanilang courtesy resignation pagkatapos ang kanilang command conference sa Camp 1Lt Vicente Alagar ng Cagayan de Oro City.
Pagtanggap ito ng PRO 10 sa hamon kahit nakataya ang kanilang mga trabaho upang patunayan na hindi nagmula sa rehiyon ang ilang PNP officials na nasangkot sa illegal drug trade sa bansa.
Sinabi ni Coop na sa loob ng araw na ito ay mapasakamay na ni Chief PNP General Rodolfo Azurin Jr ang kanilang pirmado na courtesy resignation dahil luluwas ang ilan sa kanyang tropa papuntang Camp Crame.
Inihayag ng heneral na nasa kanilang 20 3rd level officers,tanging ang kanyang assistant deputy director for administration lang na si Police Brig.Gen. Benedicto Pintor ang hindi nakapag-pirma subalit hahabol ito bilang pagtugon sa kanyang pangako na suportado ang hakbang ng PNP at DILG.
Magugunitang nasa dalawang one-star generals at 18 na full pledge police colonels ang bumubuo sa command group ng PRO 10.