Pinaplantsa na ng Estados Unidos ang paglilikas nito sa 380 American citizens na naka-quarantine sa Diamond Princess cruise ship sa Japan simula noong Pebrero 6.
Kinumpirma ni Henry Walke, direktor ng Center for Disease Control (CDC) Division of preparedness and Emerging Infections na magpapadala ang US State Department ng dalawang eroplano na gagamitin upang i-evacuate sa linggo ang mga American nationals.
Lahat ng mamamayan na may sintomas ng COVID-19 ay papayagang sumama sa flight na nakatakdang magtungo sa Travis Air Force Base sa California.
Sa nasabing lugar din dinala ang unang batch ng mga Amerikanong inilikas sa Wuhan, China at kasalukuyang naka-quarantine.
Inaasahan na isasailalim din 2nd batch sa 14-days quarantine para masiigurado na hindi sila magiging banta sa kalusugan ng publiko.
Umabot na sa 200 pasahero at crew member ng nasabing cruise ship ang nagpositibo sa coronavirus. Kaagad dinala ang mga ito sa mga local hospitals upang gamutin ngunit nasa 3,500 katao ang nananatili pa ring naka-quarantine sa barko.
Samantala, inanunsyo ng Egypt’s Ministry of Health at World Health Organization (WHO) ang kauna-unahang kaso ng coronavirus sa Africa.
Ayon kay Dr. Khaled Mujahid, tagapagsalita ng Egypt’s Ministry of Health, nagpositibo sa coronavirus ang isang pasahero na lulan ng eroplano na lumapag sa kanilang bansa.