-- Advertisements --

Makakauwi na ng General Santos City ang nasa 350 indibidwal matapos na ma-stranded sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa enhanced community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic. 

Kinumpirma ito ni Atty. Arnel Zapatos, administrator ng lungsod, matapos na makatanggap ng tawag mula sa tanggapan ng MARINA. 

Pinayagan na aniya ng Department of Transportation ang pagdaong ng barko na lulan ang naturang mga residente ng lungsod.

Kaagad namang sasailalim sa COVID-19 protocols ang naturang mga indibidwal, kabilang na ang mandatory home quarantine.

Sinabi naman ni Mayor Ronnel Rivera na kung suspected COVID-19 patient na may mild condition ang naturang mga indibidwal ay kailangan na maisugod ang mga ito sa lalong madaling panahon sa mga isolation facilities.