Nasa 35,000 na mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan ang qualified para ma-avail ang bagong permanent residency program doon na nakatakdang magsimua sa Abril, ayon sa isa sa mga opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Ayon kay POLO Taipei Labor Attaché Cesar Chavez Jr., pasok ang mga Pilipinong ito sa mga kondisyon na itinakda sa ilalim ng bagong Ministry of Labor measure.
Sa ilalim ng initial guidelines, maaring makakuha ng Alien Permanent Resident Certificate ang mga foreign workers kung pasok ang mga ito sa required tenure na anim na taong pagtatrabaho sa Taiwan, bukod pa sa hiwalay na limang taon na employment.
Bago nailabas ang bagong sistema na ito, pinapayagan lamang ang mga manggagawa sa manufacturing industry sa maximum na 12 taon, at iyong mga empleyado naman bilang caretakers at domestic workers ay hanggang 14 na taon.
Sinabi ni Chavez na kailangan ng mga manggagawa sa Taiwan na ma-reclassify o ma-upgrade ang kanilang mga skills pagkatapos ng anum na taon na pagiging empleyado at kailangan ding manatili muna sila sa bansa ng karagdagang limang taon pa, o kabuuang 11 taon, bago pa man sila maaring makapag-apply sa programa.
Sa ngayon, mayroong mahgiit 140,000 na mga Pilipinong manggagawa sa Taiwan, kung saan 85 percent sa mga ito ay nasa manufacturing at 15 percent naman ang mga caregivers o domestic workers.