Aabot sa 34 na mga pamilya ang apektado ngayon ng sumiklab na sunog sa Pasay City kagabi.
Ito ay matapos na tupukin ng naturang sunog ang sampung kabahayan sa Dandan Street, Barangay 54, Tramo, Pasay City.
Ayon sa BFP, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon upang alamin ang sanhi ng naturang sunog.
Anila, mga light materials ang karamihan sa mga kagamitan sa lugar na dahilan naman ng mabilis na pagkalat ng apoy dahilan naman kung bakit walang naisalbang mga gamit ang mga residenteng apektado nito.
Pag-amin ng bfp, bahagyang nahirapan ang mga trak ng bumbero na agad na makarating sa lugar na pinangyarihan ng sunog nang dahil sa masikip na daanan patungo rito.
Tinatayang aabot naman sa php480,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa nangyaring sunog.
Samantala, kaugnay nito ay dalawang indibidwal ang nagtamo ng galos sa katawan nang dahil pa rin sa naturang nsidente habang nakaramdam naman ng hirap na paghinga ang isang 63 taong gulang na lalaki.
Sa ulat, inakyat ng bureau of fire protection sa unang alarma ang naturang sunog bandang alas-6:19 ng gabi, na kalauna’y itinaas din sa ikalawang alarma bandang alas-6:37 ng gabi, at idineklara namang fireout dakong alas-8:46 ng gabi.
Samantala, sa ngayon ay pansamantala munang manunuluyan sa gymnasium ng barangay ang mga apektadong residente sa nangyaring sunog.