-- Advertisements --

Mas marami pang mga Pilipinong seafarers ang narepatriate mula sa Ukraine habang nagpapatuloy pa rin ang pag-atake ng Russian forces sa Mykolaiv isang coastal city malapit sa Black Sea sa Ukraine.

Sa isang statement, sinabi ni Department of Foreign Affiars (DFA) na nasa kabuuang 323 seaferers na ang nakauwi sa bansa habang nasa 30 crew members naman ang nailikas at nag-aantay para sa kanilang repatriation.

Ang nagpapatuloy na evacuation ng mga seaferers ay isinasagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Honorary Consul at Philippine Embassy sa Budapest.

Sa nakalipas na linggo, ligtas na nakauwi sa bansa ang 13 crew members ng MV Ithaca Prospect sa Clark International Airport.

Nakumpleto naman ang repatriation ng lahat ng Pilipinong seafarers ng MV Filia Glory na nakadaong sa Olvia port sa timog na bahagi ng Mykolaiv.

Ayon kay Philippine Ambassador to Budapest Frank R. Cimafranca, malaking hamon aniya ang paglilikas sa mga seaferers dahil kailangang ilipat ang mga ito sa maliit na bangka para ligtas silang madala sa daungan.

Base sa United Nations High Commissioner for Refugees , nasa mahigit 3.866 million refugees na mula sa Ukraine mula ng maglunsad ng military operation ang Russia noong nakalipas na buwan.