-- Advertisements --

DAVAO CITY – Umabot na sa tatlo ang natalang patay sa nangyaring diarrhea outbreak sa Toril District dito sa lungsod ng Davao.

Malungkot na kinumpirma ni Davao City Health Office head Dr. Ashley Lopez ang pagkamatay ng isang 32 anyos na lalaking teacher kahapon sa ICU bed ng SPMC dahil sa severe dehydration.

Residente ang biktima ng Lingig, Surigao del Sur at nagbo-board lamang umano ito sa Brgy. Lubogan Toril kung saan ito nagtuturo.

Una nang nabawian ng buhay ang isang sampung taong gulang na batang lalaki at isang 67 anyos na babae.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 218 ang kaso ng diarrhea mula noong Hulyo 15.

196 ang aktibong kaso habang dalawmpung isang barangay ang apektado.

Nilinaw din ni Dr. Lopez na ang mga nagka-diarrhea mula sa tatlong barangay na labas na sa Toril District ang dumayo lamang sa Rasay St. kung saan makikita ang Night Market sa Toril.

Kinumpirma din ng Doctor na ang namatay na 10 years old na bata at 32 anyos na teacher ang parehong nakakain ng street food sa Toril Night Market.

Dahil diyan, nananatiling suspendido ang pagbebenta ng street food sa Toril District kung saan kahapon nagsagawa ang CHO kasama ang sanitary inspector ng food handling seminar sa apat na raang mga food vendor sa Toril.

Habang ngayong araw, kukuha ng water sample ang apat na mga personahe mula sa Epidemiology Bureau ng DOH Central para sa kanilang independent investigation at ipapadala ang mga sample sa Institute of Tropical Medicine sa Metro Manila.

Sa ngayon, wala pang ipinalabas na partial result ng water at food sampling kabilang na ang rectal swab upang di umano ma-disrupt ang investigation.