Handang magpaabot ng agarang tulong ang pamahalaan sa mga kababayan nating naiipit ngayon nang dahil sa nangyayaring kaguluhan sa bansang Sri Lanka.
Ito ay dahil pa rin sa kinakaharap na malalang krisis sa ekonomiya ng nasabing bansa sa loob ng napakahabang panahon.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Sarah Lou Arriola, sa ngayon ay wala pa naman daw napapaulat sa kanilang may mga Pilipino nang nadamay sa nasabing kaguluhan doon.
Ngunit inamin niyang lubha talagang nahihirapan financially ang mga kababayan nating kasalukuyang naninirahan sa Sri Lanka dahil sa mataas na inflation na nararanasan ngayon doon.
Kasalukuyan kasi aniyang dumaranas ng matinding kakulangan sa pagkain at mga gamot ang nasabing bansa at gayundin ang matinding pagsubok sa kanilang ekonomiya, dahilan ng mga pagpoprotesta ng mga tao dito laban sa kanilang gobyerno.
Dahil dito ay nakatakda aniya mamahagi ng tulong pinansyal sa mga apektadong Pilipinong naroon ang gobyerno na nagkakahalaga naman sa USD300 at gayundin ang pag-aalok ng free repatriation flights sa mga ito kung kinakailangan.
Sa datos ng kagawaran, sa ngayon ay mayroong 492 na mga Filipino ang naninirahan sa Sri Lanka, at mahigit sa kalahati ng nasabing bilang ay kapwa mga kababayan daw natin na nakapag-asawa na rin ng Sri Lankans.
Samantala, bukod dito ay sinabi rin ni Arriola na magpapadala rin ng rapid response team ang DFA sa Sri Lanka na magmumula naman sa bansang Bangladesh bilang dagdag na tulong sa mga kakabayan nating apektado doon na inaasahan naman makakarating sa nasabing bansa sa Hunyo 2.EnterWrite to