-- Advertisements --

Nakapaloob na sa bagong internal cleansing program ng Philippine National Police (PNP) ang pagtuturo ng mga paraan para maiwasan ang “collateral damage” sa mga police operations.

Ito’y kasunod ng pagkakamatay ng tatlong taong gulang na bata na si Kateleen Mica Ulpina sa ikinasang operasyon ng Rodriguez, Rizal-PNP.

Ngayong araw inilunsad ang bagong PNP Internal cleansing program.

Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief Oscar Albayalde ang PNP Training Service na ipalabas sa mga training session ang mga video ng mga iba’t ibang operasyon ng pulisya.

Kabilang dito ang mga video ng mga dating hostage taking incidents sa Pasay at sa Luneta, para makita ng mga pulis na naka-assign sa field ang tama at maling paraang ng paghawak sa mga delikadong situasyon.

Ayon sa PNP chief, ito ang mga “lessons learned” na hindi na kailangang maulit.

Una nang sinabi ni Albayalde na hindi kagustuhan ng PNP na may namaamatay sa kanilang anti-drug operation kaya sa gagawing re-training ng mga pulis, inaasahan niya na hindi na mauulit ang mga pagkakamali sa mga ganitong sitwasyon.

Samantala, pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang nasabing police operation nitong Hunyo 30.

Sa inihaing House Resolution No. 41, kinalampag nina Gabriela Rep. Arlene Brosas, Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullmat, at Kabataan Rep. Sarah Elago, ang House Committee on Human Rights na imbestigahan pagkamatay ni Katleen Ulpina.

Nasawi si Ulpina matapos mabaril sa ulo kasama ang tatay nito na isang suspected drug dealer.

Ayon sa mga pulis, unang nagpaputok ng baril ang tatay na si Dolorfina at pumalag din matapos itong arestuhin.

Mariing itinanggi naman ng nanay ng bata na ginawang human shield ng kanyang mister ang kanilang anak sabay giit na ang pulisya ang biglang bumasag sa kanilang bintana at biglang pumasok sa kanilang bahay habang sila ay natutulog. (with report from Bombo Dave Pasit)