-- Advertisements --

boholpaf4

Nasa stable o maayos na ang kondisyon ng tatlong crew na nakaligtas sa bumagsak na MG-520 attack helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa Bohol kahapon.

Kaugnay nito, personal na binisita ni PAF chief Lieutenant General Allen Paredes ang co-pilot ng helicopter na hindi muna isinapubliko ang identity dahil sa medical condition ng mga magulang nito.

Inaalam din ni Paredes ang kalagayan ng dalawang maintenance crew na kinilalang sina Airman first class (A1C) Rex Anapio at Airman first class (A1C) Bonn Arasola.

Nbatid na nakatakdang bigyan ng full military honors si Captain Aurelius Olano, ang pilot-in-command ng bumagsak na attack helicopter.

Siniguro ni Paredes ang pagkakaloob ng nararapat na tulong sa naulilang pamilya ng piloto.

Knausap din nito ang mga piloto at crew sa Mactan Air Base sa Cebu upang pataasin ang moral at ipaalala sa mga ito ang kahalagahan ng kaligtasan sa paglipad ng mga aircraft matapos ang insidente.

Ayon kay PAF spokesperson Ltc. Maynard Mariano, kasalukuyang nasa ospital na sa Cebu ang tatlong crew ng bumagsak na MG-520 attack helicopter.

Dinala na rin sa Cebu ang bangkay ng nasawing piloto na si Captain Aurelius Olano na isang battle tested pilot.

Sinabi ni Mariano, gumugulong na ang imbestigasyon hinggil sa insidente.

Ang Philippine Air Force (PAF) ay mayroong anim na MG-520 attack helicopters na nakadeploy sa iba’t ibang area command.

Pero dahil sa pagbagsak ng isa kahapon sa Bohol, lima na lamang ang natira.

Apat na dekada nang ginagamit ng PAF ang nasabing mga attack helicopters na malaki ang tulong sa operasyon ng militar laban sa mga teroristang grupo at maging sa kasagsagan ng Marawi siege noong 2017.