COTABATO CITY – Tatlo katao ang nasugatan sa pananambang na nangyari alas-6:20 kagabi sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina Jimmy Soledad, isang negosyante; anak nya na si April Soledad at kamag-anak na si Jimboy Embad, pawang mga residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao.

Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ang mga biktima sa kanilang sasakyan mula sa Cotabato City pauwi na sa kanilang tahanan ngunit pagsapit nila sa Barangay Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao ay bigla silang pinaputukan ng mga hindi nakilalang mga armadong kalalakihan gamit ang matataas na uri ng armas.

Dahil malapit lamang ang detachment ng mga sundalo ay agad itong nagresponde kaya tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.

Dinala kaagad ng mga pulis at sundalo ang mga sugatang biktima sa isang pagamutan sa lungsod ng Cotabato.

-- Advertisement --

Sa ngayon blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pananambang sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.