NAGA CITY – Nagpaabot ng reklamo ang dalawang sibilyan matapos na umano’y bugbugin at puwersahing gumawa ng mga malalaswang bagay ng tatlong pulis sa Naga City.
Ito’y kaugnay ng reklamo nina Joseph Asignado, Jr. at Eduardo Palmiano, Jr. na mga residente ng Barangay Abella sa nasabing lungsod.
Kabilang dito ang pambubugbog, pag-aresto ng walang mga karampatang dokumento at paglalagay ng sili sa puwetan ng kanilang katawan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Community Relations Chief P/Maj. Augusto Manila ng Naga City Police Office, sinabi nitong sa ngayon ay nasa hurisdiksyon na nila ang tatlong pulis na itinanggi nitong pangalanan.
Ayon kay Manila, pinagpapaliwanag nila ang mga ito at kung mapatunayan na may pagkakasala ay agad na mahaharap sa karampatang kaso.
Aniya, bilang mga alagad ng batas ay “intolerable” ang ganitong mga insidente.
Samantala, tiniyak ni Manila na agad mabibigyan ng aksyon ang insidente lalo na ngayon na nagsasagawa sila ng internal cleansing.