Sasampahan ng kasong robbery holdup at kidnap for ransom ang tatlong pulis na miyembro ng KFRG (Kidnap for Ransom Group) syndicate na inaresto matapos ang engkuwentro sa pagitan ng Philippine National Police-Special Weapons and Tactics kaninang madaling araw sa West Bicutan, Taguig.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Southern Police District (SPD) Director C/Supt. Tomas Apolinario, kaniyang sinabi na may natatanggap na silang report na may mga sindikatong nakapasok at ginagamit ang police operation sa kanilang iligal na aktibidad.
Dahil sa reklamo mula sa isang Ronielyn Caraecle ay agad ikinasa ang operasyon na nagresulta sa pagkamatay ng isang pulis habang tatlo ang arestado.
Kinumpirma ni Apolinario na ang mga suspek ay mga bagitong pulis pa lamang na may ranggong PO1 at PO2.
Kinilala na rin ng heneral ang mga sangkot na pulis na naka-assign sa Police Community Precinct (PCP)-1 sa Western Bicutan.
Ito ay sina PO1 Gererdo Ancheta, ang napatay sa operasyon; habang nadakip naman sina PO1 Bryan Amir Bajoof, PO1 Paolo Ocampo, at lider na si PO2 Joey Maru.
Inihayag pa ni Apolinario na pangalawang beses na ito na ginawa ng grupo.
Narekober sa kanilang posisyon ang apat na pistola na may magazines, dalawang extra FA magazines, cash na P10,600, Micheal Korrs gold watch, tatlong cellphone, illegal drug paraphernalia, at dalawang sachets ng shabu na nakuha sa katawan ng nasawing si PO1 Ancheta.
Inaalam na rin ng SPD kung may mga iligal na aktibidad pang ginawa ang mga ito sa labas ng Taguig.
Ibinunyag naman ni Apolinario na mahigit isang taon pa lamang ang mga pasaway na pulis na nakadestino sa Western Bicutan PCP-1.
Samantala, ni-relieved na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar ang buong police personnel ng PCP-1 kabilang na ang commander dahil sa command responsibility.
Pansamantalang papalit sa puwesto ng mga sinibak na 39 police personnel ay mula sa Regional Public Safety Battalion, habang ang kalahati ay sa District Public Safety Battalion.
Aminado naman si Apolinario na dismayado sila na may mangilan-ngilan pa rin sa kanilang hanay ang sangkot sa iligal na droga.
Sana aniya ay magsilbing leksyon sa iba pang pulis ang nangyaring engkuwentro kanina.