-- Advertisements --

Umabot na sa apat na suspect sa pagpatay kay Degamo ang bumaliktad matapos nilang bawiin ang kanilang mga naunang pag-amin.

Sa isang pahayag sinabi ni Atty. Danny Villanueva na binabawi na ng kanilang kliyente ang mga naging pahayag nito na may kinalaman sila sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Kabilang sa mga naghain ng Affidavit of Recantation ay sina Osmundo Rivero, Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan at Dahniel Lora.

Kinakaharap pa rin ng apat na suspect ang multiple murder cases, frustrated at attempted murder na inihain sa kanila ng National Bureau of Investigation.

Una ng binawi ng isang suspect ang kanyang pahayag na itinuturo ang suspendidong mambabatas na si Arnolfo Teves Jr. bilang mastermind umano sa karumal-dumal na krimen na nangyari sa Negros Oriental noong March 4 na ikinasawi ni Degamo at siyam na iba pa.

Sa inihain nitong Counter Affidavit at Affidavit of Recantation, iginiit nito na siya ay pinilit lamang ng mga Pulis na umanin dahil na rin sa takot na madamay ang kanyang pamilya.