-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang tatlong katao nang tamaan ng kidlat habang naliligo sa dagat sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang mga nasawi na sina Princess Shiecca Wakay, 20; Venn Alieh Lambak, 21, at ang kanyang kapatid na si Ricky Lambak, 18, mga estudyante.

Sugatan naman at nagpapagaling sa pagamutan sina Nida Karon, 54, at Jona Karon, 51, mga residente ng Barangay Barurao, Lebak, Sultan Kudarat.

Ayon kay Sultan Kudarat police provincial director Colonel Tom Tuzon na habang naliligo ang mga biktima sa isang beach resort sa Barangay Kinudalan, Lebak, Sultan Kudarat kasabay ng malakas na buhos ng ulan.

Bigla na lamang kumidlat at tinamaan ang mga biktima sa baybay dagat at nalunod pa.

Agad dinala ang mga biktima sa pagamutan ngunit tatlo sa mga ito ang hindi na umabot ng buhay.

Paalala ng LGU-Lebak na iwasang maligo sa dagat tuwing may ulan sa posibleng pagtama ng kidlat.