-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na dulot ng paggalaw ng Philippine Fault Zone ang naitalang tatlong magkakasunod na lindol sa Masbate kahapon.

Unang niyanig ng magnitude 4 ang bayan ng Cataingan bandang alas-2:00 ng madaling araw, sinundan ng magnitude 2 sa Masbate City bandang alas-8:55 ng umaga, at magnitude 2.9 sa Cataingan uli pagsapit ng alas-9:15.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Paul Alanis, resident volcanologist ng Phivolcs, normal na aniya ang nangyayaring paggalaw ng fault line sa ilalim ng lupa na siyang nagdudulot ng lindol.

Subalit wala namang inaasahang malaking pinsala dahil umaabot lamang sa intensity 4 ang naramdaman na pagyanig.

Samantala, ngayong umaga lang nang maramdaman naman ang magnitude 1.6 na lindol sa bayan pa rin ng Cataingan na hindi rin inaasahang magdudulot ng pinsala.