-- Advertisements --

Patay ang tatlong indibdwal matapos magbanggaan ang tatlong sasakyan sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Mexico, Pampanga kahapon ng umaga bisperas ng pasko.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Mexico PNP nasa southbound direction ang puting van nang mawalan ito ng kontrol at napunta sa center island hanggang sa northbound lane.

Tumama umano ang van sa paparating na pulang kotse at puting SUV, na parehong wasak ang harapang bahagi.

Dahil sa malakas na impact, patay ang driver at isang pasahero ng pulang kotse habang sugatan ang tatlong sakay nito.
Patay din ang isa sa mga pasahero ng puting van.

Ayon sa PNP, galing Isabela ang van, na papunta sanang Quezon City.

Ang mga sakay naman ng kotse ay galing Maynila at pauwi sanang Tarlac habang ang mga pasahero ng SUV ay mga bakasyunistang mula Quezon City at papunta sanang Baguio City.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious physical injuries and damage to properties ang driver ng van.