GENERAL SANTOS CITY – Nag-iwan ng tatlong ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) inspired member ng Dawlah Islamiyah ang patay sa magkasunod na operasyon ng pulisya.
Nagsimula ito sa buy bust operation na nagresulta sa shoot out ng pulisya sa target suspect na si Demas Aminola Talib, may asawa at residente ng Purok 5 sa Barangay Koronadal Proper, Polomolok, South Cotabato.
Ayon kay P/Maj. Randy Apostol, deputy chief of police ng Polomolok Municipal Police Station, ginawa ang operasyon sa Prk San Miguel, Barangay Klinan 6 sa naturang bayan, kung saan nanlaban umano ang suspek nang magpaputok ng kanyang baril kaya pinaputukan ng pulis na nagresulta sa kamatayan nito.
Narekober sa crime scene ang M26 fragmentation grenade, homemade single shot pistol, live ammunition ng shotgun, P500 buy bust money, dalawang sachet ng pinaniniwalaang droga at isang motorsiklo.
Dagdag ni Apostol na si Talib ang responsable sa pag-ambush kay P/Cpl. Bitantos at Pat Costelo at pagpatay din kay Richard Simbron.
Samantala, patay din ang isang Dawlah Islamiya member nang inagaw nito ang baril ng kanyang police escort habang papunta sana ng pagamutan para sa medical examination nito matapos nahuli sa manhunt charlie.
Kinilala ang suspek na si Jomari Doma, 18-anyos na residente ng Sitio Batotitik, Barangay Basag sa T’boli, South Cotabato.
Nalaman na ang suspek ang responsible sa pananambang sa isang dating barangay kapitan.