-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inihahanda na ang mga kasong isasampa ng pulisya laban sa isang Filipina doctor at tatlong foreign nationals matapos mahuling nagsu-surfing sa Brgy. Pacifico sa bayan ng San Isidro, Siargao Island, sa lalawigan ng Surigao del Norte sa kabila ng ipinatupad na localized community quarantine na hatid ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, kinilala ni Pol. Maj. Renel Serrano, tagapagsalita ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13) ang mga nahuli na sina Sergio Bango, 37, isang Spanish national; Remi Weniger, 44; Kiser Luca, 37 na parehong mga Swiss nationals at Mica Libre Masbad, 27, isang Pinay doctor.

Ayon kay Maj. Serrano umalma umano ang mga barangay officials at mga residente ng naturang lugar dahil sa ginawa ng mga suspek sa kabila ng katotohanan na ang mga residente ng naturang lugar ay nasa bahay lang kung kayat isinumbong ito sa pulisya.

Mahaharap ang mga ito sa mga kasong paglabag sa RA 11332 o An Act Providing Policies and Prescribing Procedures on Surveillance and Response to Notifiable Diseases, Epidemics, and Health Events of Public Health Concern and Appropriating Funds.

Sa ngayo’y nasa kustodiya na ng San Isidro Municipal Station ang mga nahuli na makakalabas lamang kung makapagpiyansa.