-- Advertisements --
dayan

Naghain naman ng motion to inhibit ang tatlong kapwa akusado ni dating Senator Leila De Lima na sangkot sa umano’y illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison laban kay Muntinlupa Judge Romeo Buenaventura.

Kinuwestyon ng co-accused na sina Franklin Bucayu, Joenel Sanchez at Ronnie Dayan ang pagiging patas ng Muntinlupa Judge sa paghawak ng kanilang mga kaso.

Inakusahan kasi ng tatlo si Judge Buenaventura, na tumanggi sa kanilang petisyon para makapag-piyansa, na nabigo umano ito na ibunyag na ang kanyang kapatid na si Atty. Emmanuel Buenaventura ay tumulong kay Ronnie Dayan sa paggawa ng kanyang pwersahang affidavit na nag-uugnay kay De Lima sa illegal drug trade sa loob ng piitan.

Kalaunan ay binawi ni Dayan ang kanyang naunang salaysay.

Inakusahan din ni Sanchez si Buenaventura na ang kapatid ng hukom ay nagtrabaho bilang legal na tagapayo ng yumaong Rep. Reynaldo Umali, dating tagapangulo ng House Committee on Justice, sa panahon ng mga pagdinig sa kongreso noong Oktubre 2016.

Si Sanchez ay ipina-subpoena para tumestigo noon.

Sinabi ni Sanchez na ang kabiguan ng hukom na isiwalat ang relasyon nila ni Atty. Buenaventura ay naging kwestyonable kung ito nga ba ay walang kinikilingan sa kaso.

Ito rin ay lumalabag umano sa constitutional rights ng mga akusado na nangangailangan ng pagdinig na dapat isagawa sa harap ng walang kinikilingan at walang interes na tribunal.

Samantala, sinabi naman ni Dayan na ang bagay na ito ay isang malinaw na kaso ng conflict of interest.