KORONADAL CITY – Umabot na sa tatlong bayan sa lalawigan ng North Cotabato ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa malawakang pinsalang dulot ng magnitude 6.3 na lindol noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay North Cotabato PDRRMO officer Mercy Forunda, isinailalim sa naturang estado ang bayan ng Tulunan na siyang sentro ng nasabing pagyanig, matapos ang isinagawang pagpupulong ng mga local officials.
Ito ay makaraang unang nagdeklara ang mga bayan ng M’lang at Makilala matapos pininsala ng malakas na lindol ang mga imprastraktura at kabahayan.
Dagdag ni Forunda, nagtulong-tulong din ang mga ahensiya ng gobyerno katulad ng DSWD-12, PDRMMO, at OCD-12 upang sagutin ang pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.
Samantala, nagbigay-aliw at namigay ng tulong sina Sen. Bong Go at aktor na si Philip Salvador sa mga apektadong mga residente kung saan namahagi ang mga ito ng financial assistance at food packs.
Batay sa huling datos, pumalo na sa mahigit 1,450 ang partially damaged; 260 naman ang totally damaged sa buong North Cotabato habang 12 naman ang naitalang pinsala sa Sultan Kudarat dala ng mga paglindol.
Habang halos 3,500 pamilya naman ang apektado dahil sa naturang lindol.