Pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na mabigyan na rin ng ikalawang COVID-19 booster shot ang mga kababayan nating may edad na 50 hanggang 59 taong gulang.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nagsimula na ang kagawaran na talakayin ito kasama ang ilang mga eksperto at kasalukuyan na aniya nilang tinitignan kung anu-anong mga sektor pa ang maaaring isama sa mga mabibigyan ng pangalawang booster shot.
Aniya, sa Lunes ay nakatakda itong i-present ng DOH sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa oras aniya na maaprubahan ito ay agad nilang ipo-proseso para sa pag-amyenda ng emergency use authorization (EUA) na inilabas ng Food and Drug Administration (FDA).
Samantala, inihayag din ni Vergeire na kabilang din ang mga kababayan nating immunocompromised frontliners sa kanilang tinitignang isama sa mga makakatanggap ng second COVID-19 booster shot.
Magugunita na kamakailan lang ay sinimulan na rin ng kagawaran ang rollout ng booster doses para sa mga batang 12 hanggang 17 taong gulang na immunocompromised habang ngayong weekend naman tinitignan ng ahensya na simulan ang pangangasiwa ng mga booster para sa buong age bracket.