Tiniyak ng 28 local government units sa Negros Occidental ang suporta sa kandidatura ni UniTeam presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Pinagtibay ito sa pamamagitan ng pulong na ginanap noong Miyerkules, Pebrero 23, sa Bacolod City.
Sinabi ni Valladolid Mayor Enrique Miravelles, pangulo ng League of Municipalities sa Negros Occidental, na 19 na alkalde ang dumalo sa pulong subalit kabuuang 28 anf nagpahayag ng suporta sa tambalang BBM-Sara.
Inihayag naman ni San Carlos City Mayor Renato Gustilo, na “all out” sa UniTeam ang buong first district ng Negros Occidental, na binubuo ng dalawang lungsod at tatlong bayan.
“This is a free country,” reaksyon ni Gustilo sa sinabi ng ilang sektor na ang Negros ay “pink country,” na tumutukoy sa campaign color ni Vice President Leni Robredo na tumatakbo rin sa pagka-pangulo.
“Anybody can support any candidate they want. This is the call of BBM that this is a united team like in San Carlos City where we have a Team Unity,” dagdag pa ng alkalde.
Nagtungo sina Marcos at Duterte-Carpio noong Miyerkules sa Negros para pangunahan ang grand rally sa Bacolod.
Dumating din sina dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, mister nitong si Mike at anak na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo kasama ang UniTeam.