Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may na-monitor silang 25 mga estudyante sa isang paaralan sa Metro Manila na na-recruit ng New People’s Army (NPA) at inaasahang aakyat sa bundok ngayong summer para sa kanilang community immersion.

Ayon kay AFP Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations chief, MGen. Antonio Parlade, ang nasabing mga estudyante ay nasa senior high school at may edad 16 hanggang 17-anyos.

Ilan sa umano mga ipinupukol na isyu ng komunistang grupo sa kanilang mga bagong recruit na estudyante ay ang isyu sa ekonomiya, rehabilitasyon sa Manila Bay, kawalan ng water supply at ang isyu sa ROTC kung saan pinatay ng dating ROTC corps commander ang roommate nito sa Iloilo.

Sinabi ni Parlade, tila wala nang isyung ipinupukol ang komunistang grupo kaya kahit anong mga isyu na lamang ang kanilang ginagamit para makumbinsi ang kanilang mga bagong recruit.

Kaya naman, hinimok ni Parlade ang mga magulang na bantayan at imonitor ang kanilang mga anak para hindi mabiktima ng umano’y maling paniniwala.