-- Advertisements --

Nakakuha pa ng karagdagang 23 miyembro ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) party sa House of Representatives.

Kasunod na rin ito nang napipintong pagigingg susunod na Speaker ni Leyte Rep. Martin Romualdez na una pa lamang ay matunog na ang pangalan na magiging House speaker sa 19th congress.

Si Romualdez na siyang Lakas-CMD president ang nag-administer sa panunumpa ng mga bagong miyembro ng partido sa Mandaluyong City kahapon.

Dahil dito, mayroon nang 50 na miyembro ang partido sa lower chamber.

Ikinatuwa naman ni Romualdez ang pagpili raw ng kanilang mga kasamahan sa Lakas-CMD.

Dahil dito, kampante si Romualdez na ang dumadaming miyembro ng partido ay magpapalakas din sa suporta sa Kamara para sa kanilang legislative agenda para sa papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na pinsang buo ni Romualdez.

Kabilang sa mga bagong kaalyado ng Lakas-CMD ay sina Quezon Rep. David Suarez, Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas, Caloocan City Rep. Dean Asistio, Isabela Rep. Faustino Dy V, Biñan City Rep. Marlyn Alonte, Mandaue City Emmarie Ouano-Dizon, Davao Oriental Rep. Cheeno Almario, Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II, Sulu Rep. Samier Tan, Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo, Maguindanao Rep. Dimple Mastura at Southern Leyte Rep. Christopherson Yap.

Ang iba pang miyembro ng partido ay sina Manila Reps. Irwin Tieng at Ernix Dionisio, Quirino Rep. Midy Cua, Cebu Rep. Edsel Galeos, Batangas Rep. Jinky Bitrics Luistro, Oriental Mindoro Rep. Arnan C. Panaligan, Zambales Rep. Doris Maniquiz, Isabela Reps. Joseph Tan and Faustino Michael Carlos Dy III, Cagayan Rep. Jojo Lara at Sarangani Rep. Steve Solon.

Opisyal na ring inendorso ng Lakas-CMD si Romualdez bilang susunod na speaker ng Kongreso.

Ang iba pang political party na nag-endorso naman kay Romualdez ang PDP-Laban, National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), Hugpong ng Pagbabago (HNP), Party-List Coalition Foundation, Inc., parties, group of independents at grupo ng mga bagito o first-term lawmakers.