DAVAO CITY – Umabot na sa apat ang natalang patay dahil sa Diarrhea Outbreak sa Toril District.
Ito ang kinumpirma ni Davao City Health Officer Dr. Ashley Lopez na isang 23 anyos na health care worker na swabber ng Davao CHO ang nadagdag sa casualty ng outbreak.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng ahensya, nakakain umano ng tapioca ang pasyente noong Hulyo 15 bago ito nakaranas ng sintomas ng diarrhea rason na agad itong dinala sa ospital noong Hulyo 16.
Matapos ang dalawang araw, nagpumilit umano ang pasyente na umuwi na at sa bahay na lamang ipagpatuloy ang medication, ngunit pagkalipas ng ilang araw, muli syang dinala sa bahay pagamutan matapos na hindi naging mabuti ang kondisyon nito.
Napag-alaman na kahapon, Hulyo 24, 2022, binawian ng buhay ang pasyente dahil sa severe dehydration.
Kung maalala, unang natala ang 3 casualty kung saan kinabibilangan ito ng isang 10 anyos na batang lalaki , 67 anyos na lola, at 32 anyos na lalaking teacher sa St. Peters College of Toril.
Sa kasalukuyan, patuloy na ini-imbestigahan ng otoridad ang ugat ng outbreak kung saan may dalawang ice plant ngayon sa Toril ang temporaryong ipinasara dahil nakitaan ng mikrobyo ang pinagmumulan ng ice nito at napag-alamang ang dalawang ice plant ang pinagkukunan ng mga street food vendors ng yelo.