Iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police ang umano’y hazing incident sa Philippine National Police Academy kung saan 22 cadets ang naiulat na nasugatan. Ayon sa PNP, nangyari ang insidente noong Abril 3.
Tatlong third-class cadets ang inaresto matapos umanong mang-maltreat ng mga fourth-class cadets at sumailalim na sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Act. Lumalabas din na may mga naunang insidente na posibleng may kaugnayan sa hazing.
Iniutos ni PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon at pananagutin ang lahat ng sangkot. Aniya, mahaharap sila sa mabigat na parusa, kabilang ang administrative sanctions at posibleng pagkawala ng karapatang maglingkod sa institusyon.
Pansamantalang sinuspinde ang lahat ng cadet activities sa PNPA hanggang Abril 11 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at nire-review rin ang mga polisiya upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap. (report by Bombo Jai)
















