-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kumpiyansa ang Department of Budget and Management na maipapasa ngayong taon ang 2022 proposed national budget sa kabila ng tensyon sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at ilang miyembro ng Senado.

Kaugnay ito ng nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa kontrobersiyal na procurement ng gobyerno ng mga pandemic supplies sa Pharmally, na makailang beses nang binatikos ng pangulo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DBM Bicol Director Renato De Vera, sinabi niyang malabong hindi maipasa sa tamang oras ang budget lalo pa at eleksyon na sa susunod na taon at tiyak na ayaw ng mga senador na masira ang kanilang imahe.

Dagdag pa na nahaharap sa ngayon sa pandemya ang bansa kug kaya’t kailangan talagang magkaroon ng tamang budget ang mga ahensya para sa mga programa laban sa COVID-19.

Samantala inaasahan na ng DBM na ilang mga ahensya ang bababa ang alokasyon sa susunod na taon upang bigyang daan ang COVID 19 response at dahil na rin sa bagsak na koleksyon sa bansa.