CEBU CITY – Nasa kustodiya ng PNP ang 170 na mga lalaki matapos maaktuhan ng mga otoridad na nagsasabong sa Sitio Luwan-luwan, Brgy. Poblacion, lungsod ng Carcar, Cebu.

Ito ay matapos na ni-raid ng Provincial Intelligence Branch, Regional Intelligence Division (RID)-7, at Carcar City PNP ang cockfighting arena na Triple A Galleria kahapon sa nasabing lugar.

Ayon kay S/Sgt. Regie Ahmad ng Carcar PNP, nagtakbuhan umano ang mga sabungero nang dumating ang mga pulis upang hindi mahuli.

Napag-alamang sugatan ang ilang kalalakihan makaraang tumalon mula sa arena upang makatakas.

Nasabat naman ng PNP ang dalawang patay na manok-panabong, 35 na buhay na manok, at cash na aabot sa P16,000.

-- Advertisement --

Nakakulong na ngayon ang mga sabungero sa isang covered court sa Danao City at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal cockfighting.