-- Advertisements --

Hindi bababa sa 20 katao ang nasawi matapos manalasa ang matinding flash flood sa hilagang-silangang bahagi ng Afghanistan nitong Lunes, Hulyo 20.

Ayon sa Taliban-run government, pinakamalaking pinsala ang naitala sa lungsod ng Parun, ang kabisera ng lalawigan ng Nuristan.

Bukod sa mga nasawi, hindi bababa sa 80 katao ang nasugatan dahil sa biglaang pagbaha.

Nabatid na inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi dahil mahigit 100 katao pa ang naiulat na nawawala hanggang nitong Lunes ng gabi.

Agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad sa lugar, ngunit nangangamba silang madaragdagan pa ang bilang ng mga biktima.

Ayon sa mga opisyal, mahirap marating ang ilang apektadong lugar dahil sa lawak ng pinsala.

Isa ang Afghanistan sa mga bansang lubhang naaapektuhan ng climate change o pagbabago ng klima.

Ayon sa mga eksperto, mas madalas na ngayon ang matitinding pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng bansa.

Pinalala rin umano ng malawakang pagkalbo ng kagubatan ang pagbaha dahil mas kaunti na ang mga punong sumisipsip ng tubig-ulan sa bansa.