-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isinailalim sa re-orientation program ng 602nd Brigade Philippine Army ang nasa 20 mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sumuko sa probinsya ng Cotabato.

Pagod na at gustong magbagong buhay daw ng mga rebelde kasama ang kanilang mahal na pamilya kaya sumuko sila sa militar.

Sinabi ni 602nd Brigade chief Brig. Gen. Roberto Capulong, makakaasa ang pamilya ng 20 BIFF na pangangalagaan nila ng maayos habang sila ay sumasailalim sa 14 day-re-orientation.

Ibabahagi ng militar ang mga magagandang programa ng gobyerno sa mga sumukong rebelde.

Ipapaliwanag din sa kanila ang tamang landas tungo sa pagbabago at kalimutan ang kanilang maling pinaglalaban.

Nagkaroon din ng medical mission sa kampo ng militar kasama ang pamilya ng 20 BIFF.

Sabay-sabay na kumain ang mga opisyal sa pangunguna ni Capulong, at mga nagbalik loob sa pamahalaan kasama ang kanilang pamilya para ipadama sa kanila ang mamuhay ng mapayapa.

Luluwas din ang 20 BIFF sa Davao City para pumasyal sa mga mall at manood ng sine kasama si Gen Capulong.

Dahil dito, nanawagan si Capulong sa BIFF at NPA na sumuko na habang hindi pa huli ang lahat kasabay nang pagtiniyak nito sa tulong ng gobyerno.