Nagbanggaan sa ere ang dalawang fighter jets sa kasagsagan ng air show sa northwestern state ng Idaho nitong Linggo, Mayo 17.
Sa isang statement, kinumpirma ng Gunfighter Skies Air Show’s website ang aircraft incident na nangyari sa may Mountain Home Air Force base, dalawang milya mula sa hilagang-kanluran ng naturang air force base.
Kasalukuyang nasa pinangyarihan ng collision ang emergency responders, isinasagawa na rin ang imbestigasyon sa insidente at nakatakdang ilabas ang karagdagang detalye sa oras na maging available na ang mga ito.
Base sa report, maswerteng nakaligtas ang lahat ng apat na crew members mula sa dalawang US Navy EA-18 fighter jets matapos silang mag-eject at bumaba sakay ng kani-kanilang mga parachute.
Batay sa ibinahaging video online, nagkabanggaan ang dalawang two-seat electronic warfare jets habang nagsasagawa ng aerial exhibition. Umikot ang mga ito sa ere at bumagsak sa labas ng base bago sumabog.
Agad na ni-lockdown ang Mountain Home Air Force Base at kinansela ang natitirang bahagi ng air show upang bigyang daan ang emergency response at imbestigasyon. Walang naiulat na nasugatan sa mga manonood.










