Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng Mokong Kidnap for Ransom Group matapos manlaban sa mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group (AKG) sa Sitio Alao, Brgy San Juan, Botolan, Zambales kagabi.
Kinilala ang nasawi na si Michael Corpuz, number 1 most wanted person ng AKG Luzon Field Unit at isang hindi pa nakikilalang lalaki.
Ayon kay PNP AKG Spokesperson, Lt. Col. Rannie Lumactod, maghahain lang sana sila ng warrant of arrest laban kay Corpuz nang makatunog ito at paputukan ang mga operatiba.
Dito na gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkakamatay ni Corpus at isa nitong kasamahan.
Samantala, sinabi naman ni Lumactod, may natanggap silang impormasyon na magsasagawa ng robbery hold up at kidnapping activity si Corpus kaya napilitan silang umaksyon.
Nabatid na ang Mokong Group ay sinasabing sangkot sa ibat ibang iligal na aktibidad sa Rizal, Region 3 at NCR.