CAUAYAN CITY – Nasugatan ang dalawang indibiduwal sa banggaan ng motorsiklo at bisikleta sa Mambabanga, Luna, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Juanito Garcia Deputy Chief of Police ng Luna Police station, sinabi niya na sakay ng bisikleta ang biktimang si Ireneo Garcia, 46-anyos, helper at residente ng naturang lugar nang nabangga ng isang motorsiklong minaneho ni JD Malalog De Ocampo, 25-anyos, empleyado ng ISELCO 2 at residente ng Palattao, Naguilian, Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya patungo sa Lunsod ng Cauayan ang tsuper ng motorsiklo at pagdating sa barangay Mambabanga ay nahagip nito ang papaliko sa kaliwa na bisikleta ni Garcia.
Hindi umano agad napansin ng nakamotorsiklo ang bisikleta kaya nabangga niya ito at matulin din ang patakbo nito.
Agad namang narespondehan ang aksidente at nadala sa Cauayan District Hospital ang mga sangkot na pawang nagtamo ng minor injury.