ILOILO CITY – Sugatan ang dalawang pulis matapos pinasabugan ng rebeldeng grupo ang patrol base ng Iloilo Police Mobile Force Company ng Philippine National Police (PNP) sa boundary ng Barangay Mayang at Jolason sa Tubungan, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Col. Gilbert Gorero, director ng Iloilo Police provincial office,, sinabi nito na dalawang improvised explosive device (IED) ang pinasabog ng New People’s Army (NPA) na nagresulta sa engkwentro sa pagitan ng mga rebelde at PNP.
Ayon kay Gorero, ang dalawang pulis ay sina Patrolman Jessie Castomado at Cpl. Genel Simpas na nasugatan nang tinamaan ng shrapnel ng IED.
Sinabi ni Gorero na una nang lumabas ang impormasyon na plano ng mga rebelde na i-harass ang detachment ng Mobile Force Company.
Tumagal naman ng ilang minuto ang nasabing encounter.
Napag-alaman na bago ang pagpapasabog, pinaputukan din ng mga rebelde ang detachment ng pulis sa Brgy. Mayang, Tubungan dahilan kung bakit sila nagsagawa ng hot pursuit operation sa area.