ILOILO CITY – Tuluyan nang sinibak sa puwesto ang dalawang pulis na naglasing sa loob mismo ng Pototan Municipal Police Station at nagbanta pa na papatayin ang kanilang hepe sa nasabing bayan sa Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Regional Office VI Director Pol. B/Gen. Rene Pamuspusan, sinabi nito na hindi nito palalampasin ang ginawa nina Patrolman Joerick Ace Ilisan at Police Corporal Esil PeƱarubia na paglalasing sa loob ng istasyon at hindi pagsuot ng uniporme.
Ayon kay Pamuspusan, hindi nito kukunsintihin ang ginawang pagbabanta ni Ilisan sa kanilang chief of police na si Police Major Ronnie Brillo.
Kaagad namang ipinag-utos ni Pamuspusan ang pagsampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa dalawang pulis.
Ipinag-utos din nito sa Internal Affairs Service ang malalimang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente.
Samantala, sasampahan din ng kaso ang team leader at squad mates ng dalawang pulis dahil sa hindi umano tinuruan ng mabuting asal sina Ilisan at PeƱarubia.
Tiniyak naman ng Regional Director na personal nitong tututukan ang kaso at patalsikin sa puwesto ang dalawang pulis.