-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Patay ang kasapi ng rebeldeng New People’s Army at sundalo habang tatlong miyembro pa ng state forces ang sugatan sa dalawang sunod-sunod na engkuwentro sa tri-boundaries ng Bukidnon at Lanao del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 403rd Infantry Brigade commander Brig Gen Ferdinand Barandon Jr na ang pagkatunton nila sa grupo ng sub-regional committee 4 at 5 ng North Central Mindanao Regional Committee ng CPP-NPA ay bahagi pa rin ng kanilang focused operation sa Bukidnon na umaabot ang labanan sa boarder lines ng Lanao del Sur.

Sinabi ni Barandon na bagamat ikinalungkot nila na mayroong dalawang buhay ang nasawi sa magkabilang panig subalit hindi ito makaka-apekto sa kanilang pagtugis sa mga rebelde sa lugar.

Maliban sa naipasakamay na ng militar sa local government unit ang bangkay ng isang lalaking rebelde sa Lanao del Sur,ligtas na rin ang tatlo pang sundalo na mga sugatan at nagpapagaling na lamang sa Camp Evangelista Station Hospital na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Magugunitang sa nabanggit na mga engkuwentro,nakompiska rin government forces mula sa mga nakatakas na CPP-NPA combatants ang 10 klase-klaseng mga baril na kinabilangan ng M60 machine gun,tatlong M-16 rifles;tig-dalawa na M4 rifles;M-14 rifles;AK-47;mga bala;mga suplay na gamot,pagkain at mga personal na kagamitan.